Misis, 2 anak, kapatid, pinagsasaksak ng lalaki dahil sa selos

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 05:13 AM

LAPU-LAPU CITY, Cebu - Sugatan ang isang babae, 2 nitong anak, at kaniyang kapatid matapos silang pagsasaksakin ng kaniyang mister nitong siyudad Lunes ng madaling-araw.

Nagtamo ng saksak sa mukha at katawan ang mga biktima at patuloy na nagpapagaling sa ospital.

Agad nahuli ng mga pulis ang 43-anyos na suspek.

Nagawa umano ng suspek ang krimen nang makarinig ng tsismis na may ibang lalaki ang kaniyang asawa.

Nagalit ito at pinagsasaksak ang mga biktima sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Pajac.

Sinaksak din ng suspek ang kaniyang bayaw na tumulong lang sa mag-iina.

Hindi naman sinaktan ng lalaki ang bunsong anak na 2-anyos.

Pinabulaanan naman ng pamilya ang sinabi ng suspek.

Anila, lulong umano ito sa ilegal na droga at 4 na araw nang hindi natutulog.

Mahaharap ang suspek sa kasong frustrated parricide. - ulat ni Junrey Nadela, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.