Detainee na natagpuang walang malay sa selda, 'namatay sa gulpi'

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 10:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pambubugbog ang ikinamatay ng isa sa dalawang detainee na natagpuang walang malay sa loob ng drug enforcement team detention facility sa Pasay City police station noong Lunes, ayon sa imbestigador ng kaso.

Ayon kay Chief Inspector Wilfredo Sangel, hepe ng Station Investigation and Detective Management Bureau ng Pasay City police, lumabas sa pagsusuri sa labi ng detenidong si Arman Castillo na namatay ito dahil sa mga natamong bugbog at pasa sa iba't ibang parte ng katawan. 

Nakitaan din ng mga pasa sa katawan ang isa pang nasawing detenido na si Eduardo Angeles pero hindi pa siya sumasailalim sa awtopsiya dahil wala pang dumarating na kaanak na magbibigay ng pahintulot.

Natagpuang walang malay noong Lunes, Abril 23, sina Angeles, 48 anyos, at Castillo, 32 anyos, sa loob ng kanilang selda nang magsagawa ng routine check si Police Officer 1 Anthony Fernandez.

Unang inakalang hinimatay ang dalawa dahil sa sobrang siksikan sa loob ng kulungan.

Mayroong kapasidad para sa 30 tao ang nasabing selda pero mahigit 60 na ang nakakulong doon.

Isinugod pa ang dalawa sa Pasay City General Hospital kung saan sila idineklarang patay.

Ayon pa kay Superintendent Gene Licud ng Pasay police, umaga pa lang ay masama na umano ang pakiramdam ng dalawa.

Dalawang kapwa detenido ang itinuturong nambugbog sa mga nasawing inmate.

Ayon sa pahayag ng mga kabaro, nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga umano'y nanggulpi at mga namatay sa loob ng selda.

Itinuro pa ng presong si alyas "Pedro" ang kanilang "mayor" na siya umanong nambugbog sa dalawang namatay.

Pero depensa ng "mayor," nagkaroon ng stampede kaya natapak-tapakan ang dalawa. 

Inilipat na muna ng selda ang mga suspek at testigo sa insidente.

Sinibak naman si Fernandez sa detention facility habang nagsasagawa ng imbestigasyon kung nagkaroon siya ng kapabayaan sa tungkulin.

Ayon kay Human Rights Commissioner Roberto Eugenio Cadiz, dapat panagutin ang Pasay police dahil sa kapabayaan at hindi napigilan ang pambubugbog sa kulungan.

-- Ulat nina Michael Delizo, Bianca Dava, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.