22,000 plaka/araw kayang matapos sa binuksang pasilidad ng LTO

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 09:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bukas at operational na ang sariling plate-making facility ng Land Transportation Office (LTO) at posibleng Agosto o Setyembre ay maipamahagi na ang mga plaka sa car owners.

Malaking hakbang ito dahil sa pinakahuling datos, 3.8 milyong piraso ng plaka ang hindi pa nai-issue ng LTO mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2018. 
    
Ibig sabihin, nasa mahigit 1.9 milyon ang mga sasakyan na tumatakbo na wala pang plaka.

Sa kabila ito ng inilabas na utos ng Korte Suprema na pagpapamigay ng 300,000 pares ng plaka matapos ang ilang taong temporary restraining order. 

Bilang tugon, nagbukas ng sariling pagawaan ng plaka ang LTO imbes na mag-import.

Mula sa pag-emboss, kontrolado na ng LTO IT system ang code ng bawat plaka para iwas "kambal-plaka."
    
Sa hot foil process naman, nagkakakulay na ang plaka at nadaragdagan pa ang security features nito.
    
Ang panghuling proseso ay ang quality assurance step at dito na rin ineempake ang plaka kasama ang bagong radio-frequency identification (RFID) sticker. 
 
Sa buong proseso, aabutin lang ng 3 hanggang 5 minuto ang paggawa ng isang plaka. 
    
Sa loob ng isang araw, kakayanin daw ng pitong manual equipment na makagawa ng 22,000 piraso ng plaka.

"We will try to release the plates by August or September," ani Department of Transportation (DOTr) secretary Arthur Tugade.
    
Sa Hulyo, may darating na isang automatic plate-making equipment na kayang gumawa ng 12,000 plaka sa isang araw.
    
Nakapaloob kasi sa kontrata ng gobyerno at ng Trojan Computer Forms Manufacturing Corporation at JH. Tonnjes E.A.S.T. GmbH Joint Venture na bubunuin nila ang 775,000 na pares ng plaka at 1.7 milyong pirasong plaka para sa motorsiklo.
    
Kapag natapos na ang kontratang ito, bibilhin ng gobyerno ang mga equipment sa halagang P1.5 milyon.
    
--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.