2 detainee, namatay sa selda sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2018 03:11 AM | Updated as of Apr 24 2018 09:44 PM

MAYNILA - Namatay ang 2 detainee sa loob ng selda ng Pasay City Police Station nitong Lunes.

Kinilala ang mga nasawi na sina Eduardo Angeles, 48-anyos, at Arman Castillo, 32-anyos.

Batay sa spot report ng pulisya, nagsagawa ng routine check si PO1 Anthony Fernandez nang matagpuan na walang malay ang mga detainee sa loob ng selda alas-5:45 ng umaga.

Humingi agad ng tulong si Fernandez at dinala ang mga detainee sa Pasay General Hospital.

Idineklarang patay ang mga detainee alas-7:10 ng umaga ng isang attending physician.

Iniimbestigahan pa ng pulisya kung ano ang sanhi ng kanilang pagkamatay at kung may foul play sa insidente. 

Noong April 11, namatay rin ang isang detainee matapos atakehin sa puso sa mainit at masikip na selda sa kaparehong istasyon.

Ayon naman kay Philippine National Police (PNP) chief Oscar Albayalde, umabot na sa 40 ang bilang ng mga namamatay na detainees dala ng siksikan at mainit na kundisyon sa mga estasyon ng pulisya sa kalakhang Maynila. - ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.