LRT may pa-'excuse letter' sa nahuli dahil sa aberya

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2017 05:15 PM

Nagbibigay na ang pamunuan ng Light Rail Transit (LRT) ng 'delay certificate' o excuse letter para sa mga pasaherong nahuhuli sa trabaho dahil sa aberya sa tren, gaya na lamang ng mga pasaherong apektado ng limitadong biyahe ng LRT-1 nitong Lunes ng madaling araw dahil sa problema sa suplay sa kuryente.

Ayon kay Rochelle Gamboa, pinuno ng Corporate Communications ng LRT, laman ng sertipiko ang dahilan ng aberya ng mga biyahe sa tren, at pirmado ito ng mga opisyal ng LRT. 

Upang makakuha nito, ibigay lamang umano ang kumpletong pangalan at detalye ng biyahe gaya ng oras, petsa, at mga istasyon kung saan sumakay at bumaba, sa LRT-1 hotline na 8888-333 o i-tweet sa @officialLRT1. Makukuha na umano ang dokumento sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.

Babala naman ng mga awtoridad ng LRT-1, hindi basta-basta makakukuha ng sertipiko kung wala namang aberya dahil may record ang LRT kung kailan nagkakaroon ng problema ang tren. –- Ulat ni Dennis Datu, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.