Lalaking nagpapanggap na abogado, arestado sa Davao City

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 11:42 PM

DAVAO CITY - Dumagsa ang ilang complainant sa opisina ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 11 matapos napag-alaman na naaresto Lunes ng hapon ang isang umanong nagpapanggap na abogado sa isang entrapment operation sa lobby area ng Hall of Justice, Davao City.

Kinilala ang suspek na si Wilhelmo Romena.

Ayon kay Neralyn Vanguardia, matagal na nilang hinahanap si Romena, dahil hindi na sinasagot ang kanilang mga tawag matapos makunan sila ng pera na aabot sa P1,500 bawat isa.

"Papilion mi niya, asa daw mi, makasohan mi o kami ang magkaso, so ako naghatag 1,500 kay siya daw of fight para sa kaso diha sa yuta," Ayon kay Vanguardia.

(Pinapili niya kami, kung kasuhan kami o kami ang maghain ng kaso. Kaya nagbigay ako ng P1,500 sa kaniya dahil siya daw ang lalaban sa kaso nila sa lupa.)

Ayon kay Simplicio Sagarino, ang hepe ng Davao City Anti-Scam Unit, dumulog sa kanila ang isang Rowena Tallorin para magpatulong na mapa-imbestigahan si Romena matapos nagduda umano si Tallorin nang hindi sumipot sa korte ang suspek para sa arraignment ng kaso ng kaniyang anak.

Sa ginawang imbestigasyon ng Davao City Anti-Scam Unit, napag-alaman na hindi abogado si Romena.

"Iyang gipangayoan og acceptance fee. Nagduda na ang complainant kay katong gi-arraign na ang kaso sa iyang anak, wala niadto, nagduda na siya. Among gi-verify, nagsulat mi sa IBP Davao, ug didto nahibal-an," ayon kay Sagarino.

(Hiningan niya ng acceptance fee. Nagduda na ang complainant dahil noong nag-arraign na sa kaso ng kaniyang anak, hindi sumipot, nagduda na siya. Bineripika namin, nagsulat sa IBP Davao, at doon namin nalaman.)

Paalala ng Integrated Bar of the Philippines Davao Chapter, para makasiguro na hindi mabiktima ng pekeng abogado, dapat sa opisina mismo ito ng abogado makipagtransaksiyon. 

Nakakatulong din kung pumunta o bumisita sa mismong IBP office para berepikahin kung miyembro o abogado ba ang nilalapitan at hiningian ng tulong.

Kakasuhan ng usurpation of authority, falsification by private individual, at estafa si Romena.

Tumanggi itong magbigay ng pahayag kaugnay sa reklamo sa kaniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.