Bus sa Samar naaksidente dahil sa lindol: pulisya

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2019 06:14 PM | Updated as of Apr 23 2019 07:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Naaksidente ang isang pampasaherong bus sa Samar province dahil sa pagyanig ng isang malakas ng lindol sa ilang bahagi ng Visayas nitong Martes, ayon sa pulisya. 

Naitala ang epicenter ng magnitude 6.5 na lindol sa San Julian, Easter Samar. Naramdaman ito sa ilang karatig-bayan at sa mga rehiyon ng Caraga at Bicol, sabi ng Phivolcs. Wala pa namang naitalang nasaktan. 

Sa bayan ng Pinabacdao sa Samar, dumausdos nang nasa 2 talampakan mula sa gilid ng kalsada ang isang bus at nasagasaan ang 2 bahay, ani Patrolman Ruel Arot. 

"'Yung driver natakot lang siguro... Nakabig n'ya [iyung manibela]," sabi niya sa panayam ng DZMM. 

Nasa labas naman ang mga residente nang tamaan ng bus ang 2 bahay kaya hindi sila nasaktan. Wala rin aniyang nasugatan sa mga pasahero. 

Samantala, nagdulot din aniya ang lindol ng ilang crack sa police station ng bayan. 

Inaasahang magdudulot ng aftershocks ang lindol, ayon sa Phivolcs. 

Hindi anila konektado ang pagyanig sa magnitude 6.1 na lindol na naramdaman sa malaking bahagi ng Luzon nitong Lunes. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.