Mag-asawang matanda hinataw sa mukha ng magnanakaw

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2018 09:38 AM

TAYABAS, Quezon - Sugatan ang matandang mag-asawa matapos umanong hatawin sa mukha ng hindi nakilalang suspek na nanloob sa kanilang bahay sa bayan na ito, Sabado ng madaling-araw.

Kuwento ng residenteng si Mark Labaro, nakita niyang duguan at palakad-lakad ang mga biktimang sina Tessa Pabino, 62 at Robert Albiña, 65 kaya dinala niya ang mga ito sa pagamutan.

Ikinuwento aniya ng mag-asawa na hinampas sila ng dos por dos na kahoy ng magnanakaw na pumasok sa kanilang barong-barong.

Narekober ng mga awtoridad ang kahoy sa crime scene.

Walang anak ang mag-asawang nagpapagaling pa rin sa ospital, ayon sa kanilang pamangkin.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente.

Ulat ni Albert Lumbera, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.