'Balota sa Luzon, Visayas, nakaimprentang petsa ay October 2017'

ABS-CBN News

Posted at Apr 23 2018 08:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinaliwanag ng Commission on Elections (Comelec) na petsang "October 2017" ang nakaimprenta sa mga balotang gagamitin sa Luzon at Visayas para sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections (BSKE) sa Mayo 14.

Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, hindi nadagdagan ang pondo para sa BSKE na paulit-ulit naantala mula noong 2016 kaya kinailangang gamitin ng Comelec ang mga balotang naimprenta noon pang Oktubre kung kailan huling dapat isasagawa ang halalan.

"Kaya nga ang ginagawa natin, mina-maximize natin 'yong, for lack of a better word, reusability ng mga binibili nating gamit. Halimbawa 'yong balota, 'yong balotang gagamitin natin ngayon, ang petsa no'ng mga balota for Luzon and Visayas ay October 2017," ani Jimenez sa panayam sa programang Dos por Dos sa DZMM. 

Hindi naman kabilang sa mga naimprenta noong nakaraang taon ang mga balotang gagamitin sa Mindanao dahil sinuspende ang botohan doon noong 2017 kasabay ng umiiral na batas militar.

"Nag-imprenta tayo ng balota para doon sa halalan sa October 2017 kasi suspendido 'yong election sa Mindanao dahil sa martial law."

"'Yong mga balotang Mindanao, dahil ngayon lang natin naimprenta dahil ngayon lang natin sinabi na tuloy ang halalan sa Mindanao, 'yan ang may petsang tama-- Mayo 2018."

2 BALOTA

Paalala rin ng Comelec, di tulad ng 2016 national and local elections, mano-mano ang BSKE at sulat-kamay ang pagtatala ng mga kandidatong napili ng isang botante.

Mga iboboto sa Mayo 14 halalan:

• 1 punong barangay

• 7 Sangguniang Barangay members (Kagawad)

• 1 SK Chairperson

• 7 SK members 


Sabi rin ng Comelec, dalawang balota ang matatanggap ng mga botanteng edad 18 hanggang 30.

Sila kasi ay boboto ng mga opisyal para sa parehong barangay at SK.

Ayon kay Jimenez, sa isinagawa nilang mock elections o kunwaring botohan, may ilang nalito sa pagsulat sa dalawang balota.

Aniya, bukod sa malalaking titik na nakaimprentang "BARANGAY ELECTIONS" at "SANGGUNIANG KABATAAN ELECTIONS" sa ilalim ng "OFFICIAL BALLOT" ng magkaibang balota, kulay pula ang teksto ng balota para sa SK, habang kulay itim naman ang teksto ng balota para sa barangay elections.

Kung magkakamali sa paglalagay ng pangalan ng kandidato sa itinakdang balota, mai-invalidate o mawawalan ng bisa ang naging boto.

Ganito rin ang mangyayari kung lalagyan ng hindi akmang marka ang balota.

Makaboboto rin ang mga edad 15 hanggang 17 para sa SK elections lamang, habang ang mga edad 31 pataas ay makaboboto para lang sa barangay elections.

Magsisimula ang BSKE campaign period sa Mayo 4 at magtatagal hanggang Mayo 12.

Paalala rin ng Comelec sa mga kandidato, tiyaking hindi lalagpas sa itinakda ng batas na P5 kada botante ang gagastusin sa pangangampanya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.