Carnapper umano, patay sa engkwentro sa Calamba

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Apr 21 2018 12:32 AM

Patay ang isang lalaking itinuturong carnapper at magnanakaw matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Calamba City, Laguna nitong Biyernes.

Kinilala ang suspek bilang si Norman Yu alyas Batotoy, 31.

"May nagko-complain po sa istasyon na may nanunutok daw po ng baril. ‘Yun pong tinutukan ay hinabol pa ng suspek hanggang sa Barangay Looc,” ani Police Insp. Carmen Balilo.

"Nakahalata na rin ang suspek. Pinutukan po sila ng baril. Then gumanti naman po ang ating mga kapulisan,” dagdag niya.

Ayon sa pulisya, sangkot ito sa ilang insidente ng carnapping at pagnanakaw sa mga Indian national sa lungsod.

Nakuha mula sa suspek ang ilang sachet ng hinihinalang shabu at mga dokumento.

Inaalam ng pulisya kung ano pang mga ilegal na transaksyon ang kinasasangkutan ng suspek base sa mga nakuhang gamit.

Inimbitahan dati ang suspek para sa isang imbestigasyon pero nakatakas noong 2012.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang umano’y tinutukan ng baril ng suspek na kamag-anak pala nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.