Misis patay matapos gulpihin ng nagselos na mister

ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2018 05:58 AM | Updated as of Apr 20 2018 10:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang babae matapos bugbugin ng kaniyang asawa dahil umano sa selos sa Marilao, Bulacan.

Sa mga larawan na kuha ilang sandali matapos ang pambubugbog, kita ang mga sugat at dugo sa iba’t ibang parte ng katawan ng biktimang si Michele Roxas.

Basag ang bungo ng biktima at may malaking sugat din ito sa hita na posibleng dahil sa inihampas na plantsa.

Kuwento ni Gregoria Milan, nanay ng biktima, lasing ang kaniyang manugang na si Carl Michael Roxas at nagseselos nang may mabasang text na may gustong makipagkita kay Michele.

Nagtatrabaho sa opisina ng isang mall ang biktima habang 5 taon ng walang trabaho ang suspek.

"Kinaladkad ang anak ko. Paghatak niya sinikmuraan tapos ibinalandra sa pinto sabay sakal," ani Milan.

Nagmakaawa pa umano ang biktima sa kaniyang mister pero hindi ito pinansin.

Sinubukan ding umawat ni Milan pero maging siya ay muntik na ring pagbalingan ng galit.

"Sabi, daddy, pag-usapan natin ito, huwag ganiyan pabigla-bigla, sabi ng anak ko. Tapos inulit niya ang pagsuntok sa mukha. Nang humarang na ako, akma din ako susuntukin," dagdag niya.

Hanggang sa kusina, hindi umano tinantanan ang pambubugbog.

Pumasok ang mag-asawa sa kuwarto at akala ni Milan ay mag-uusap na ito.

Pero ilang saglit lang, narinig na naman niya ang pambubugbog.

"Pagbagsak niya, narinig ko pagkalabog sa semento. Dalawang umpog sa doorknob. Binitbit niya anak ko tapos sakal," kuwento ni Milan.

Nang pilit niyang buksan ang pinto ng kuwarto, doon na niya nakita si Michele na duguan at wala ng malay.

"Nakita ko anak ko nakahandusay tapos tinatadyakan pa niya. Gumising ka 'wag kang umarte, aarte ka pa. Tinadyakan pa niya sa sikmura," ani Milan.

Hindi pa umano dito natapos ang pagpapahirap kay Michele.

Tapos noong hindi gumising, hinila ni Carl si Michele palabas.

Kumuha ang suspek ng palanggana na may tubig at hinagis sa mukha ng biktima para magising.

Sa halip na dalhin sa ospital, tumakas si Carl gamit ang kotse ni Michele at isinama pa ang 3 menor de edad na anak.

Sa bahay na ng kaniyang mga magulang iniwanan ni Carl ang mga anak.

"Carl, kung ikaw may konsensiya, sumuko ka na, panagutan mo ginawa mo sa anak ko," ani Milan.

Nananawagan ang pamilya ng biktima na ipagbigay alam agad sa mga otoridad ang kinaroroonan ng suspek. 

Dala nito ang isang Suzuki Swift na kulay apple blue at may nakalagay sa sticker na UE 8955.

Kasong parricide ang isasampang kaso sa suspek. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.