Dagdag sahod sa Soccsksargen, aprubado na

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2018 08:05 AM

KORONADAL CITY - Inaprubahan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang dagdag sahod para sa mga manggagawa sa Soccsksargen.

Ang minimum wage para sa mga manggagawa sa Agriculture, Retail at Services sectors ay tataas ng P18 kaya ang bawat minimum wage earner ay mag-uuwi na ng P290 kada araw mula sa dating P272.

Sa non-agricultural sector naman, P16 ang idinagdag kaya tataas ang arawan na suweldo sa P311 mula sa dating P295.

Ang mga kompanya na hindi kayang ibigay ang bagong minimum wage, puwede mag-apply ng petisyon para ma-exempt sa wage order, ani Arturo Valero, Regional Director ng National Economic and Development Authority - Soccsksargen.

Ipinatupad ang dagdag sahod matapos ang isang public consultation noong nakaraang buwan.

Ayon sa wage board, mabilis ang pag-apruba sa dagdag sahod dahil sang-ayon naman ang mga employers sa rehiyon na kailangan na ang wage hike bunsod ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin.

Nire-review na ngayon ng National Wages and Productivity Commission ang bagong wage order bago ito ilathala sa mga pahayagan. 

Pagkatapos ng paglalathala, maghihintay pa ng 15 araw para sa pagpapatupad nito na inaasahan na sa Mayo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.