127 beach resort sa Bicol, nakitaan ng mga paglabag pero di muna ipasasara

ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2018 09:55 PM

Inisyuhan ng notice of violation ng Environmental Management Bureau (EMB) ang higit 100 beach resorts sa Bicol dahil sa paglabag sa iba't ibang batas pangkalikasan.

Wala pang inilalabas na mga pangalan ng resort ang opisina pero kinumpirma nila na 127 ang lumabag, karamihan ay naka-base sa Camarines Sur kung saan 40 ang nasampolan.

Sumusunod sa bilang ang Albay (32), Sorsogon (20), Camarines Norte (17), Catanduanes (9), at Masbate (9).

Ilan pa sa mga resort, walang business permit.

"Mayroong walang EEC (Environmental Compliance Certificate), walang waste discharge permit, walang permit to operate. Kaya nga ang gagawin natin talaga dito ay may parang consultation meeting kami," ani Dr. Eva Ocfemia, regional director ng EMB-Bicol. 

Ang EMB ay napapasailalim sa ahensiya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Pero ayon sa EMB, bibigyan ng pagkakataong makapag-comply ang mga nabigyan ng notice of violation at hindi sila ipasasara kagaya ng ginawa sa Boracay.

"Kaya lang may time frame. Pinakamadali na siguro ang 30 days, pinakamatagal na ang 5 years," ayon kay Ocfemia.

Sa Mayo 2 hanggang 23 ay iikutin ng EMB ang mga probinsiya sa Bicol para sa isasagawang consultation meeting sa mga beach resort owners at mga local government units.

Kapag nagmatigas ang mga resort, mapipilitan umano ang EMB na mag-issue ng cease and desist order.
    
--Ulat ni Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.