Suspek sa 'rentangay' scam, pinagbabaril sa Laguna

Jon Ibanez, ABS-CBN News

Posted at Apr 20 2017 12:37 AM

STA. ROSA – Kinumpirma ng Laguna Police Provincial Office na ang isang babaeng pinaslang sa harap mismo ng kanyang tahanan ay isa sa mga suspek sa “rentangay” o “rent-sangla” scam.

Ayon kay Inspector Arthur Serrano, hepe ng public information office ng Sta. Rosa police office, papasok na ng gate ng kanyang bahay sa Zavalla Street, Barangay Malusak, Sta. Rosa, Laguna si Eleanor Rosales Miyerkules ng hapon, nang salubungin siya ng mga salaring nakasakay sa isang motorsiklo.

Ayon kay Serrano, bumaba ng motorsiklo ang naka-angkas na gunman, at makailang beses na pinaputukan ang 58-anyos na babae.

Apat na basyo ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril ang nakuha ng mga imbestigador sa crime scene.

Pansamantalang nakalaya si Rosales dahil nakapagpiyansa ito sa kasong estafa. -DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.