Mga drayber, operator ng jeep na lumahok sa tigil-pasada, humarap sa LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 11:29 AM | Updated as of Apr 18 2018 11:30 AM

Humarap sa pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Miyerkoles ang mga jeepney operator at drayber na nahuling sumama sa tigil-pasada ng Piston noong Mayo 2017.

Tinanong ang drayber na si Roel Denabia at ang kaniyang operator kung bakit hindi dapat kanselahin at suspendihin ang kanilang prangkisa gayong marami umanong pasahero ang naapektuhan sa sinalihan nilang aktibidad.

Ayon sa kaniyang operator, hiniling ng presidente ng Piston na gamitin ang jeep nila para sa isang caravan bilang "pakikisama."

Paliwanag niya, hindi naman daw ito "tigil-pasada" kung hindi pakikiisa sa caravan mula Quezon Memorial Circle hanggang Mendiola.

Binalaan naman ni LTFRB Board Member Aileen Lizada na hindi basta-basta maaaring magamit ang pampasaherong jeep sa ibang paraan kung wala silang special permit mula sa ahensiya.

Ganap nang "submitted for resolution" ang isyu ukol sa naturang tigil-pasada.

Sa kabuuan, nasa 14 drayber at operator na lumahok sa transport strike ang ipinatawag ng LTFRB para sa posibleng suspension o cancellation ng kanilang prankisa.

--Ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.