Hepe ng traffic office sa Parola, Maynila, pinagbabaril

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 10:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay sa pamamaril ang isang ‪miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa loob mismo ng kanilang satellite office sa Parola Compound sa Binondo, Maynila‬, nitong Miyerkoles.

Tinukoy ang biktima bilang ang 61 anyos na si Tranquillino Vuelga, OIC ng MTPB Task Force Parola. 

Nakuhanan pa sa CCTV ng Barangay 275 sa Binondo, Maynila ang mga kilos ng gunman bago niya pagbabarilin ang biktima.

Nakitang tumambay pa ang salarin malapit sa opisina na tila nagmamanman bago mamaril.

Mabilis din siyang tumakas matapos ang insidente.

Kuwento ng katrabaho ni Vuelga na si Rizal Catalogo, sinita at hinarang pa niya ang salarin na nakasuot ng face mask at sombrero.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District Station 11, may taas na 5'3 hanggang 5'5" ang namaril at payat ang pangangatawan.

Blangko pa ang mga pulis sa motibo sa pamamaslang pero patuloy ang pagtugis nila sa gunman. 

-- Ulat nina Raya Capulong at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.