ALAMIN: Mga trabahong in demand, malaki ang suweldo para sa fresh grads

ABS-CBN News

Posted at Apr 18 2018 10:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mataas ang demand at malaki ang pasahod ngayon para sa mga trabahong may kinalaman sa komunikasyon, ayon sa isang online job portal.

Batay sa pag-aaral na inilabas ng Jobstreet.com, nangungunang may pinakamataas na suweldo sa mga bagong nagtapos ang mga trabaho mula sa law o legal services.

Naglalaro sa P27,355 kada buwan ang panimulang sahod o starting salary ng mga nasa legal profession.

Sinusundan ito ng mga nasa public relations at communications na maaaring kumita ng P24,675 kada buwan.

Nasa P22,446 naman ang kadalasang buwanang sahod ng mga editor at journalist kabilang na ang content writers, technical writers, at foreign language translators.

Narito ang top 10 na propesyong pinakamataas ang pasahod sa mga bagong graduate:

1. Law / Legal Services
2. Public Relations / Communications
3. Journalist / Editor
4. Advertising / Media Planning
5. Training & Development
6. IT Related
7. Human Resources
8. Marketing / Business Development
9. Customer Service Related
10. Quality Control / Assurance

'MOST PREFERRED SCHOOLS'

Base naman sa survey ng Jobstreet.com, konsiderasyon pa rin para sa employers ang mga eskuwelahang pinanggalingan ng mga nag-a-apply para sa trabaho.

"The report pointed out that employers believe in the school's reputation of producing quality graduates," ani Philip Gioca, Jobstreet.com Philippines country manager.

(Naniniwala pa rin ang mga employer sa reputasyon ng mga paaralan sa pagkakaroon ng graduates na de-kalidad.)

Nangunguna ang Polytechnic University of the Philippines sa mga pinakagusto ng employers.

Sa unang pagkakataon naman, pumasok sa top 10 ang dalawang Cebu universities.

Narito ang top 10 na "most preferred schools" ng employers:

1. Polytechnic University of the Philippines
2. University of the Philippines
3. Ateneo de Manila University
4. University of Santo Tomas
5. Pamantasan ng Lungsod ng Maynila
6. Far Eastern University
7. De La Salle University / Technological Institute of the Philippines
8. University of San Carlos
9. University of Cebu
10. University of the East

K-12 GRADUATES

Nilinaw naman ng Jobstreet.com na kahit batayan ang eskuwelahang pinanggalingan ng aplikante, mas mahalaga pa rin sa employers ang katangian ng isang gustong makapasok sa trabaho.

Kaya naman dapat paghandaan ng mga aplikante ang interview sa kanila ng employers dahil doon matitimbang ang kanilang pag-uugali, husay sa komunikasyon, at maging kakayahang mamuno o leadership skills.

"Even if I have really good academic performance, [that] does not really translate to productivity at work," ani Gioca.

Dagdag ng Jobstreet, mahihirapang sumabay ang K-12 graduates dahil na rin sa sobrang dami ng kakompetensiyang college graduates.

Sa naturang survey sa mahigit 500 employers, 24 porsiyento lang ang nagsabing bukas sila sa pagkuha ng manggagawang K-12 graduate, habang 35 porsiyento ang nagsabing hindi nila kukunin ang senior high graduates.

Hindi naman tiyak o "indefinite" ang tugon ng nalalabing 41 porsiyento.

-- May ulat nina Zen Hernandez at Jessica Fenol, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.