Tricycle driver, natagpuang patay

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2019 01:48 PM

Hindi umano pagnanakaw ang motibo ng salaring pumatay sa biktima dahil kumpleto pa ang gamit nito nang matagpuan. Larawan mula sa San Nicolas Police

SAN NICOLAS, Ilocos Norte – Isang lalaki ang natagpuang patay sa tabi ng kaniyang tricycle sa Barangay 16 sa nasabing bayan, Miyerkoles ng madaling araw.

Nagulat ang pamilya ni Cleto Reparejo sa pagkamatay nito lalo’t wala naman siyang nabanggit na kaaway o banta sa buhay.

Ordinaryong tricycle driver lamang si Reparejo.

Mabuting tao naman ang turing ng biyenang si Andres Pascua sa biktima. Routine umano nito ay ang mamasada at pag nasa bahay naman ay ang manood ng tv at matulog.

Napagalamang may tama sa ulo at katawan ang biktima.

“Yung lugar ng insidente ay barangay road siya pero nasa gitna ng bukid,” sabi Police Major Benedict Parado.

Kumpleto naman daw ang gamit ng biktima kaya hindi pagnanakaw ang motibo ng salarin.

Magtatanong rin ang awotoridad sa paradahan ng tricycle baka sakaling may makuha silang lead sa imbestigasyon.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.