Mga bakasyonista sa Boracay hinimok na maglaan ng oras para magnilay

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2019 08:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bakasyon, pahinga, at pagsasaya ang karaniwang pakay ng mga turista kapag tumutungo sa mga puting buhangin ng Boracay.

Pero dahil Semana Santa, nanawagan ang assistant parish priest ng simbahan sa isla sa mga bakasyonista na gamitin ang pagkakataon para magnilay.

"Sana po ang pagbabakasyon bilang isang pamilya ay hindi lamang pag-uwi doon sa kasiyahan, kundi doon po sa pasasalamat na ang Diyos ay kailanman hindi naging manhid," ani Fr. Bong Suganob ng Our Lady of the Most Holy Rosary Church.

Hindi lang pamilya at sarili, isama na rin daw sa pagdarasal ang mga Pilipino at ang Pilipinas.

"Katahimikan na nagpapaalala ng kapayapan, hindi puro galit, kungi 'yong respeto," ani Suganob.

Ilang bakasyonista ang nagsabing bahagi ng bakasyon nila ang pag-alala kay Hesukristo.

"Sa Friday, mag-iikot kami sa mga churches," anang bakasyonistang si Bernadette Reyes.

May mga bahagi naman ng isla na kakaunti ang bumibisita at puwedeng makapagnilay nang tahimik gaya ng Puka Beach at Diniwid Beach.

Samantala, binisita naman ni Environment Secretary Roy Cimatu nitong Miyerkoles ang Bulabog Beach para silipin ang mga ide-demolish o bubuwaging estruktura at pagsasaayos sa gagawing kalsada.

"Itim na itim ang tubig nito dati. As soon as we put all in place, itong structures na ito, we'll be declaring this beach as a swimming beach," ani Cimatu.

Halos patapos na ang rehabilitasyon ng Boracay, ayon pa kay Cimatu.

Isinara ng 6 na buwan noong nakaraang taon, mula Abril hanggang Oktubre, ang Boracay para bigyang daan ang paglilinis sa isla dahil sa problema sa polusyon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, sinabi naman ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na mahigpit na binabantayan ang bilang ng mga taong pumapasok sa Boracay.

Mahalaga raw kasing hindi lumampas ang bilang ng mga pupunta sa kayang dami ng tao ng isla.

Ipinagbawal umano ng Boracay Inter-Agency Task Force ang mga cruise ship sa Boracay kapag peak season.

"Hindi puwedeng pumasok ang cruise ship sa Boracay because carrying capacity," ani Puyat.

Binalaan din ni Puyat ang mga hotel at resort na nagbukas at kumukuha ng reservation kahit walang accreditation ng Department of Tourism, Department of Environment and Natural Resources, at Department of the Interior and Local Government.

"Kung nahuli namin sila na bukas, they will be dealt with accordingly," aniya.

Nagpaalala naman si Puyat sa mga bibiyahe sa Boracay at iba pang tourist destination na maging responsable lalo at mahigpit na babantayan ang pagsunod sa mga patakaran sa bawat destinasyon. --Ulat nina Ron Gagalac at Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.