Bureau of Immigration sa Davao, inireklamo ng isang netizen

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2019 01:22 AM

DAVAO CITY—Idinaan ng isang netizen sa social media ang kaniyang reklamo laban sa mga tauhan ng Bureau of Immigration sa lungsod na ito.

Sa kaniyang Facebook post noong Marso 28, ibinahagi ni Janelyn Nilo ang kaniyang karanasan sa opisina.

Aniya, tila may birthday party sa loob ng opisina habang may mga naghihintay pang tao sa labas lalo na at malapit nang magsara ang opisina. Wala rin umanong mga empleyadong kumakausap at pumapansin sa kanila. Sa halip ay naghintay silang matapos ang nagaganap na kasiyahan sa loob ng opisina.

Sa isa pang video na kaniya ring ipinost, hindi umano katanggap-tanggap ang pagtrato ng mga empleyado sa isang lalaki.

Aniya, pabalik-balik sa opisina ang lalaki para magtanong kung magkano ang kaniyang babayaran sa visa extension. Kinuwestiyon din umano ng lalaki ang pagtaas ng halaga na kaniyang babayaran pero wala umanong nagpaliwanag rito.

Sa halip ay tumawag pa umano ng guwardiya ang empleyado para paalisin ang lalaki.

"Bad ang customer service nila, naka-try na kami sa immigration sa labas at ang immigration sa Davao parang i-ignore ka lang, 'yung video ng Russian parang unacceptable kasi pinalabas pa siya," ani Nilo.

Ikinalungkot naman ng Bureau of Immigration Davao ang post ni Nilo. Paliwanag nila, hindi kompleto ang detalye nito sa kaniyang post.

Ayon kay Alien Control Officer Sittie Rizminh Alonto, hindi totoo na hindi sila in-accomodate ng opisina at hindi rin talaga nakakaintindi o hindi lang inintindi ng lalaking Russian national ang paliwanag nito sa kaniyang bayarin.

"Actually 'yung time na 'yun, 'yung mga tao nandoon if you can check the video is iilan lang sila," paliwanag ni Alonto.

"Those people are waiting for the release of their transaction. Ang dalawa doon ay naghihintay for the payment of their fees so wala kami isang pending, just for that Russian na di talaga niya i-accept 'yung aming explanation despite the explanation from the assessors, from me, from intel, same explanation. Di talaga siya nakikinig at ayaw niya intindihin."

Ayon naman sa partner ni Nilo na isang Swedish national, marami pang ibang dayuhang nakakaranas ng hindi magandang sistema sa opisina.

Taliwas naman ito sa sinasabi ng Amerikanong si Eric Miller. Aniya, wala naman siyang naranasang problema sa opisina.

"People don't like to wait and you know they want things quick but there's a process to take that it isn't like America and you just have to learn that," aniya.

Humingi na rin umano ng paumanhin ang Russian national sa opisina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.