Balikbayan hinoldap ng airport taxi driver

ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2019 06:21 PM | Updated as of Apr 17 2019 08:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang balikbayan mula Hong Kong ang imbes makapagnilay sa Semana Santa ay naperwisyo matapos holdapin ng isang taxi driver paglapag pa lang niya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Miyerkoles ng umaga. 

Kuwento ng biktimang si Karen Mitschek, sumakay siya sa isang puting taxi sa Terminal 2 ng NAIA, pero nang makalayo sa paliparan ay binantaan siyang babarilin ng drayber kung hindi ibibigay ang mga gamit niya. 

"Sabi niya 'yung cellphone ko ibigay ko... Sabi niya pagbaba ko 'wag ako sisigaw kasi pag sumigaw ako at humingi ng tulong babarilin ako," pag-alala ng biktima. 

Binaba si Mitschek ng suspek sa may C5 at bumalik siya sa airport para magsumbong.

"Kakauwi ko nga lang po. Eight days lang po ako dito sa Pilipinas. Sabi ko sa driver 'parang awa niyo na kararating ko lang po, hindi ko pa nakikita anak ko.' Basta buhay ako kahit ano ibibigay mo na," sabi niya. 

Sinabi ng pamunuan ng paliparan na hindi na muna nila papayagan sa NAIA ang mga taxi mula sa kaparehang kompanya ng holdaper. 

"Nagbigay na ako ng kautusan na i-ban 'yung buong fleet ng taxi na 'yon dahil pasaway at peste 'yan sa mga mananakay. Hindi ko nilalahat. May ilan talagang ganu'ng pangyayari but definitely we will act on it," pangako ni Ed Monreal, general manager ng Manila International Airport Authority. 

Sa pinakahuling impormasyon na nakuha ng mga awtoridad, inabandona na ng suspek ang taxi hindi kalayuan sa airport.

Pinaalalahanan ng pamunuan ng NAIA ang mga pasahero na maging maingat sa pagsakay sa taxi lalo na at hindi na ito sakop ng airport. 

—Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.