Pamilyang nagbakasyon, nabiktima ng akyat-bahay sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 05:35 AM

MAYNILA - Tinangay ng kawatan ang nasa P100,000 halaga ng gamit at pera sa isang bahay sa Tondo, Maynila.

Nagulat nalang ang isang pamilya na galing sa isang resort sa Laguna nang mabiktima sila ng akyat-bahay.

Kuwento ng may-ari, hindi na naka-lock ang pinto ng bahay nila sa Solis St. Nakakalat na rin ang mga gamit sa sala at kuwarto.

Napansin rin ng pamilya na bukas ang bintana ng bahay kung saan hinala nila na rito dumaan ang kawatan.

Kabilang sa mga tinangay na gamit ay cellphone, relo, mga mamahaling bag, at pera.

Iniimbestigahan na ng Abad Santos Police Station ang insidente. Paalala ng pulisya, siguraduhing naka-lock ang mga bahay pag-alis ngayong Semana Santa. - Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.