Manila Bay bantay-sarado sa Semana Santa

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 05:26 PM

Bukod sa mga bus terminal, pantalan at airport, bantay-sarado rin ng mga awtoridad ang Manila Bay ngayong Semana Santa.

Ito ay para pagbawalan ang mga may balak maligo o mag-swimming sa nasabing katubigan.

Marami ang nagtutungo sa Manila Bay para mag-swimming tuwing Semana Santa, base sa obserbasyon ng Manila Police District. 

Kaya magtatalaga ng mga pulis sa bahagi ng Manila Bay sa may Roxas Boulevard.

Mag-iikot naman ang Philippine Coast Guard sa paligid ng Manila Bay mula Baseco hanggang Roxas Boulevard gamit ang rubber boats.

May mga nakatalaga ring rescue team at ambulansiya sakaling may mangailangan ng tulong medikal.

Nanawagan naman ang mga awtoridad sa publiko na mamasyal o mag-picnic na lang sa Manila Bay sa halip na maligo. 

Bagaman naialis na ang sandamakmak na basura sa dalampasigan, idinidiin ng mga awtoridad na hindi pa ligtas maligo sa nasabing katubigan.

Nauna nang sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na hindi pa rin natitiyak na bumaba na ang nibel ng bakteryang fecal coliform sa Manila Bay.

-- May ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.