'Flights posibleng maantala dahil sa ginagawang taxiway sa NAIA'

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 08:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng magkaroon umano ng pagkaantala sa flights sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa ginagawang taxiway sa paliparan, ayon sa mga awtoridad. 

Ang taxiway ang rutang dinaraanan ng isang eroplano mula sa terminal papuntang runway. 

Ayon kay Department of Transportation Undersecretary Skee Tamayo, kinakailangan nang gawin ang pagkukumpuni sa taxiway dahil marami na itong mga crack. Pero tiniyak nilang nakaayos na ang schedule sa paglipad at pag-landing ng mga eroplano. 

"Hindi puwede i-delay kasi may mga cracks and deterioration and we have to do something about it. It started early on and this will go on for a couple of months," ani Tamayo. 

Bukod dito, posibleng may airline na hindi nakasunod sa schedule kaya naapektuhan ang mga flight. 

Ipinayo ng mga opisyal sa mga pasahero na dumating sa terminal tatlong oras bago ang oras ng biyahe para sa mga international flight at dalawang oras naman para sa mga domestic flight. 

Samantala, inabisuhan ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang mga gagamit ng NAIA na i-download ang kanilang app. Dito raw kasi makikita ng mga pasahero kung ano ang mga maaaring gawin kapag na-delay o kinansela ang flight, maging ang mga numerong maaaring tawagan kapag nangangailangan ng tulong. 

Tiniyak din ng CAB na parurusahan nila ang mga airline na magbibigay ng mga maling rason sa pagkaantala ng kanilang mga flight. 

"Bina-validate natin 'yan on the ground kasi, kung mapatunayan natin na hindi 'yan ang tunay na dahilan, we penalize the airlines," ani CAB Executive Director Carmelo Arcilla. -- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.