Dugong, natagpuang patay sa Puerto Princesa

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 03:31 PM

Isasailalim sa necroposy ang dugong para mabatid kung ano ang dahilan ng pagkamatay nito. Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

PUERTO PRINCESA CITY - Patay na ang isang dugong nang dalhin sa pampang ng Barangay Bancao-bancao sa lungsod na ito.

Ayon kay Allan Labrador, ang residenteng nakakita sa dugong, nakasakay siya sa bangka Lunes ng gabi nang marinig nitong may humahampas sa dagat. Nang lapitan ay nakita niya ang dugong na nabalot ng lumot.

Agad niyang inalis ang mga lumot at hinila ang dugong sa malalim na parte ng dagat.

Umalis siya para maghatid ng mga sakay pero pagbalik ay naabutan nito ang dugong na patay na kaya hinila na lamang niya ito sa pampang.

May mga galos sa likod ang dugong.

Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development, lalaki ang dugong at may sukat na 2 metro at tinatayang humigit kumulang 300 kilo.

Idadaan naman sa necropsy ang dugong para malaman ang dahilan ng pagkamatay nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.