6 sugatan sa aksidente sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 03:42 PM

Ilang sasakyan din ang nadamay sa insidente. Larawan mula sa Zamboanga City Police Station 11


ZAMBOANGA CITY - Anim ang sugatan matapos silang araruhin ng isang SUV sa Calle Varela dito sa siyudad, Lunes ng umaga.

Kabilang sa anim na sugatan ang isang driver ng motorsiklo, isang laborer, at isang babaeng 8 buwang buntis.

Una umanong binangga ng SUV ang motorsiklo, kasunod ang laborer na nagtutulak lamang ng kariton sa gilid ng kalsada.

Matapos nito ay nagtuloy-tuloy ang SUV at binangga rin ang apat na iba pa, kabilang ang buntis na nagtamo ng galos sa tuhod.

Karamihan sa mga nasugatan ay naglalakad lang sa tabi ng daan at papunta sana sa trabaho.

Ayon kay Police Cpl. Alexis Garcia, imbestigador ng kaso, isang 75-anyos ang nagmamaneho ng SUV. Sakay pa niya ang menor de edad na apo.

Hindi naman nasugatan ang matanda at ang kaniyang apo.

Nagkaroon umano ng problema ang sasakyan at hindi niya ito mahinto. Nawalan na rin siya ng kontrol sa manibela hanggang sa makabangga na siya.

Huminto lang ang SUV nang mabangga nito ang isang nakaparadang sasakyan na bumangga rin sa isang behikulo ng barangay.

Hindi na nagsampa ng kaso ang mga biktima at nangako din ang pamilya ng matanda na babayaran lahat ng mga nasirang sasakyan, maging ang pagpapagamot sa mga nasugatan.

Sa ngayon, dalawa na lang sa anim na sugatan ang patuloy na ginagamot sa ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.