4 na hinihinalang kasapi ng Abu Sayyaf, arestado

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2019 06:35 PM

Kabilang ang dalawang granada sa mga nakita sa loob ng bahay ni Jainab Ibrahim, kasapi umano ng bandidong grupong Abu Sayyaf (Contributed photos)

ZAMBOANGA CITY – Apat na miyembro ng Abu Sayyaf Group, kabilang ang tatlong babae, ang naaresto sa isang operasyon na isinagawa sa Barangay Talabaan, Martes ng umaga.

Bitbit ang search warrant, pinasok ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-9 ang bahay ni Jainab Ibrahim, pasado alas-6 ng umaga.

Ito ay matapos makatanggap ng impormasyon ang pulisya na may itinatago siyang pampasabog sa loob ng kaniyang bahay.

Matapos haluglugin ang bahay ni Ibrahim, may nakitang dalawang granada, isang bag na naglalaman ng ammonium nitrate at ilang bomb components gaya ng battery, timer with wire, dalawang non-electric blasting cap with safety cover at mga pako.

Ayon kay Police Brigadier General Luis Licup, director ng Regional Office 9, mga tauhan ni Abu Sayyaf commander Hatib Hajan Sawadjaan ang apat na naarestong bandido.

Asawa naman ng mga bandido ang tatlo sa mga naarestong babae na tumutulong din sa mga aktibidad ng teroristang grupo kabilang na sa mga financial transaction, transportation ng mga armas at pampasabog at maging sa recruitment ng mga bagong miyembro.

Sila din umano ang tumutulong sa mga banyagang terorista na pumupunta sa Mindanao.

Pero dagdag ni Licup, hindi pa nila matiyak kung may binabalak ang mga nahuling bandido at kung saan nila gagamitin ang bubuing pampasabog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.