'Pantawid ng Pag-ibig': Sako-sakong bigas hatid sa isla sa Paombong, Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2020 08:32 PM

Sako-sakong bigas ang hatid ng "Pantawid ng Pag-ibig" campaign ng ABS-CBN sa isang isla sa Paombong, Bulacan na may napapaloob na barangay. ABS-CBN News

Mahigit 40 minutong sakay sa bangka mula sa sentro ng Paombong, Bulacan ang inaabot bago marating ang barangay ng Sta. Cruz— isang isla na may 518 kabahayan.

Bago makapasok sa isla, mahigpit ang kanilang sanitation protocols. 

"Bawat umaahon, hinaharang para sila ay mag-alcohol. Iniingatan ko lamang ho talaga ang aking barangay,” ayon kay Lolita Nicodemus, kapitana ng barangay. 

Pangingisda ang pangunahing ikinakabuhay ng mga nakatira sa barangay. 

Kabilang dito si Valeriano Aguilar, na pilit na pumapalaot ngayong nawalan ng trabaho ang kaniyang tatlong anak. 

Apektado rin aniya ang kanilang benta. 

"Ang problema namin hindi namin naibebenta ang ibang huli namin Kasi bawal bumiyahe pinipigil kami. Ang ibang nahuhuli namin dahil Hindi nauubos, binabalik namin 'yung buhay. Katagal-tagal ko sa pangingisda, ngayon lang kami nakaranas na ang kabuhayan naming ay hindi mabili,” ani Aguilar. 

Bukod sa mga nangingisda gaya ni Aguilar, apektado rin ang mga bangkero tulad ni David Estrella na naghahatid ng mga residente papunta at pabalik ng isla. 

Umaasa ngayon ang kaniyang pamilya sa mga napapadalang relief goods sa kanila. 

"Mahirap. Malaking epekto kasi tulad ko may anak ako na tatlo po... Minsan nakakahingi ng ulam dito, kasi wala po talaga,” aniya. 

Animado si Nicodemus na hindi sapat ang relief goods na natatanggap mula sa lokal na pamahalaan. 

Mabuti na lang daw at sagana ang yamang-dagat sa kanila kaya may pinagkukunan sila ng ulam. Kailangan lang aniya ngayon ay bigas. 

At para madugtungan pa ang kanilang pangtustos, nagpadala ng may 661 relief packs ng bigas ang “Pantawid ng Pag-ibig” campaign ng ABS-CBN, na inilagay sa mga upuang nasa harap ng bawat bahay. 

Bagay ito na pinasalamatan ng mga residente. 

"Malaking tulong po sa pang-araw araw ang bigas po," ani Estrella. 

"Buong-buong pasasalamat, lalong lalo na po sa panginoon. Iba’t ibang tao talaga pong tumutulong," ani Nicodemus.

Nagpapasalamat ang ABS-CBN sa iba pang mga naging partner ng proyektong ito:

  • Champion Detergent 
  • Coca-Cola 
  • Colgate Palmolive 
  • Great Taste 3-in-1 
  • Hana Shampoo
  • Kopiko 
  • Ligo Sardines 
  • Quick Chow Noodles 
  • Mega Sardines 
  • Rebisco 
  • Safeguard 
  • CDO Foodsphere 
  • International Pharmaceuticals Incorporated
  • Lucky Me

Nananawagan ang ABS-CBN sa publiko para sa cash donations, na gagamitin para ipambili ng pagkain at basic necessities ng mga nawalan ng kita at hindi makapaghanapbuhay dahil sa quarantine.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.