Granada sumabog sa detachment ng militar sa Sultan Kudarat

Jasper Acosta at Rodney Ontolan, ABS-CBN News

Posted at Apr 15 2018 04:15 PM

Larawan mula sa 6th Infantry Division ng militar

ESPERANZA, Sultan Kudarat – Pinasabugan ng granada ang detachment ng militar sa Purok Sampaguita, Barangay Buliao, Sabado, pasado alas-7:00 ng gabi. 

Ayon sa 6th Infranty Division, partikular na pinasabugan ng granada ang parking area ng 12th Mechanized Company ng 1st Mechanized Batallion ng militar.

Rinig ang pagsabog sa mga lugar sa bayan na malapit sa pinagkakampuhan ng mga sundalo. Wala namang naitalang namatay o nasugatan sa insidente.

Isang granada ring hindi sumabog ang narekober ng militar. Hinala ng militar, kagagawan ito ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na gumaganti sa kanilang mga operasyon. 

Larawan mula sa 6th Infantry Division ng militar

Itinanggi naman ito ng tagapagsalita ng BIFF na si Abu Misry Mama. Aniya, militar lang din ang gumawa nito para mapagbintangan ang kanilang grupo. 

Samantala, nananatiling nakaalerto ang militar sa mga posibleng banta ng armadong grupo.