Magkapatid na bata, patay sa pananaksak ng ama

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2018 01:56 PM | Updated as of Apr 14 2018 07:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Patay ang dalawang batang magkapatid matapos silang pagsasaksakin ng kanilang ama sa Lower Bicutan sa Taguig City, Sabado ng umaga.

Pinagsasaksak ni Ariston Nacion, 42-anyos, ang kaniyang mga anak na may edad na 13 at 6, sa loob ng kanilang bahay sa Pangilinan Street, New Lower Bicutan.

"Nagulat na lang po kami sa nangyari sa kaniya. Hindi po namin alam ang dahilan," ayon sa kapatid ng suspek na si Nona Nacion.

Nabaril at napatay naman ng mga pulis si Nacion.

Ayon sa ulat, may tumimbre sa Taguig Police hinggil sa insidente kaya’t rumesponde ang mga awtoridad. 

Pero pagdating nila sa lugar ay tinangka rin ng suspek na undayan sila ng saksak kaya’t nagdesisyon ang mga ito na barilin siya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Narekober sa lugar ang isang balisong na ginamit umano sa krimen.

Disyembre 2017 nang magtrabaho sa Hong Kong ang ina ng mga bata.

Hinihinalang gumagamit ng ipinagbabawal na droga ang suspek pero itinanggi naman ito ng kaniyang mga kamag-anak.

Wala umanong bisyo ang suspek at maalaga sa kaniyang anak, ayon sa kaniyang ina.

"Hindi ko alam problema nilang mag-asawa kasi kung dito, wala akong alam na problema niya kaya nga nabigla kami. Hindi ko alam na magagawa niya yung ganun," sabi naman ng ina ng suspek na si Rosario.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.