Dagsa sa unang araw ng paghahain ng kandidatura, di pangkaraniwan: Comelec

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2018 07:10 PM | Updated as of May 10 2018 05:32 PM

Dinumog ng mga nais kumandidato para sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections ang iba't ibang opisina ng Commission on Elections (Comelec) sa unang araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC).

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ifo-forward ang lahat ng COCs sa kanilang control center sa Intramuros, Maynila kaya wala pang pinal na bilang kung ilan ang nag-file ngayong Sabado.

Pero sa inisyal na report mula sa Comelec sa Pasay City, halos 50 porsiyento sa nag-file ng COCs ay mga babae.

May ilang barangay naman na mas mababa sa 20 ang nag-file ng COC pero nanatiling mas marami ang nais kumandidato sa barangay kumpara sa SK. Sa kabuaan naman, nasa 20 porsiyento na nag-file ay mga senior citizen.

"Marami talaga ang nag-file on day one which is unusual in itself kasi ang pangkaraniwan nagaganap 'yung talagang siksikan sa last few days na," ani Jimenez.

Sa Comelec office sa Arroceros, Maynila, kinailangan isara ang isang bahagi ng A. Villegas street dahil sa dami ng mga tao.

Dagsa rin ang mga naghain ng kandidatura sa probinsiya

Nauna nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na nagsumite sila sa Comelec ng listahan ng mga third termer officials para masigurong hindi na sila makatatakbo ulit.

Sa tala ng DILG, aabot sa halos 9,000 ang incumbent at third termer na mga opisyal ng barangay.

Tatagal pa hanggang Abril 20, alas-5 ng hapon ang filing period para sa lahat ng kakandidato sa barangay at SK elections.

Magsisimula ang official campaign period sa Mayo 4 hanggang Mayo 12.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, inilunsad na rin ng Comelec at Philippine National Police (PNP) ang gun ban para sa nalalapit na halalan.

Dalawang lalaki ang unang naaresto ng mga awtoridad sa magkahiwalay na checkpoint.

Sa Barangay Poblacion sa Guiguinto, Bulacan, nasampolan sa checkpoint ang lalaking kinilalang si Fernando Garcia III. Nahulihan siya ng isang .9 millimeter pistol.

May naipakita namang lisensya si Garcia pero hindi ito sapat ayon sa PNP.

Sa Cadiz, Negros Occidental naman, naaresto rin si Jonathan Sison sa Comelec checkpoint matapos mahulihan ng magnum .357 at mga bala. Nag-astang pulis din umano si Sison dahil naka-uniporme siya ng pulis.

Sa Maynila, 12 checkpoints ang ikinalat sa buong lungsod pero nilinaw ni Manila Police District (MPD) director Joel Coronel na casual at visual search lang ang gagawin ng mga pulis.

Tatagal ang gun ban hanggang Mayo 21.

Nilinaw ng Comelec na dapat ay sa maliwanag na lugar isasagawa ang checkpoint at may placard kung saan nakasaad ang pangalan ng team leader.

Dapat din ay naka-full uniform ang mga pulis.

Kapag may reklamo ang mga motorista, puwede anilang tawagan ang numero na nakasulat sa placard.

--May ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.