Unang kaso ng COVID-19 sa Zamboanga City, gumaling na

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2020 07:02 PM

Nadagdagan na naman ang mga pasyenteng gumaling mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Western Mindanao.

Ayon kay Dr. Emilia Monicimpo, director ng Department of Health Regional Office 9, nagnegatibo na sa pangalawang test ang kauna-unahang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Zamboanga City.

Kasunod nito, pinayagan na ding makalabas ng ospital ang lalaking pasyente nitong Linggo.

Marso 24 nang matanggap ng DOH 9 ang resulta ng RT-PCR test ng lalaki na siya ring kauna-unahang kaso ng COVID-19 sa buong Western Mindanao. May travel history ang lalaki mula Metro Manila at dumating ito ng Zamboanga City noong Marso 13.

Matapos ang dalawang araw, ay nagsimula siyang makaramdam ng sintomas kayat agad siyang nagpatingin sa ospital. Marso 17 nang kinuhanan siya ng swab specimen na pinadala sa Research Institute for Tropical Medicine.

Sa buong Western Mindanao, tatlo na ang gumaling sa COVID-19, kabilang na dito ang isang medical doctor at sundalo ng 1st Tabak Division sa Zamboanga del Sur.

Umabot na din sa 10 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Region 9. Pito dito ay mula Zamboanga city at 3 naman mula sa Zamboanga del Sur.

Nasa 10 patients under investigation ang namatay sa buong Western Mindanao, pero 5 dito ay nag-negatibo na sa COVID-19 test, habang ang 5 naman ay hinihintay pa ang resulta ng RT-PCR test.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.