Personal info ng COVID-19 patients isasapubliko para sa contact tracing: IATF

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2020 06:57 PM

MAYNILA — Ilalabas na sa publiko ang personal na impormasyon ng mga pasyenteng may coronavirus disease (COVID-19), sabi ngayong Linggo ng grupong inatasan ng gobyerno para pangasiwaan ang pagtugon sa pandemic.

"The IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases) adopts the policy of mandatory public disclosure of personal information relating to positive COVID-19 cases to enhance the contact tracing efforts of the government," ani Cabinet Secretary Karlo Nograles, na spokesman din ng grupo.

Ayon kay Nograles, gagawin itong mandatory para makatulong sa contact tracing o iyong paghahanap ng mga taong nakasalamuha ng mga pasyente.

"Para po matulungan ang contact-tracing efforts ng ating pamahalaan, mandatory o required na po ang paglalahad ng personal na impormasyon pagdating sa ating mga COVID-19 cases," sabi ni Nograles.

Inatasan ng IATF ang Office of the Civil Defense at Department of Health na gumawa ng kasunduan kung ano ang ilalabas na datos ng mga pasyente na naaayon sa Data Privacy Act.

Nauna nang nanawagan ang mga grupo ng mga abogado at doktor na dapat ilabas ang medical records at personal na impormasyon ng mga pasyente para maging mas epektibo ang contact tracing.

'PAYAGANG MAKAUWI ANG OFWS NA NAG-QUARANTINE NA'

Nanawagan din ang IATF sa mga lokal na pamahalaan na payagang makauwi sa kanilang mga bahay ang mga overseas Filipino worker (OFW) na natapos na sa kanilang 14-day quarantine.

"Sila po ay binibigyan ng sertipikasyon bilang patunay na tapos na ang kanilang quarantine. Libo-libong milya ang kanilang tinahak para makauwi," ani Nograles.

"Ang daming protocol po na sinusundan para po makabalik sila sa bansa. Kaya pauwiin niyo na po sila. Hindi po sila banta sa kalusugan ng inyong mga bayan," dagdag niya.

Nauna nang sinabi ng Department of Foreign Affairs na 9,628 Pinoy ang umuwi sa bansa bunsod ng COVID-19 pandemic. Sa bilang na iyon, 6,680 ang seafarers habang 2,948 ang land-based workers.

Sa tala ng DOH nitong Linggo, umabot na sa 4,648 ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa bansa. Nasa 297 ang pumanaw dahil sa sakit habang 197 ang gumaling.

-- May ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.