Mag-ama, 12 iba pa tiklo sa droga sa Bacoor

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 05:55 AM

CAVITE - Nilusob ng mga pulis ang isang compound sa Bacoor City, Cavite dahil sa hinihinalang drug den. 

Hindi lang isa kundi 3 drug den ang nadatnan ng mga pulis sa compound sa Green Valley, Barangay Molino 3. 

Naaresto ang 14 katao na nagsasagawa umano ng drug session, kabilang ang isang mag-ama na itinuturong nagpapatakbo ng mga ito.

Narekober sa lugar ang nasa P70,000 halaga ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Police Lt. Col. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City police, kaniya-kaniyang patakbo ng drug den ang mag-ama. Mga taga-ibang barangay at bayan ang mga parokyano nila. 

Matagal na umanong sangkot sa pagtutulak ng droga ang ama at sinundan ng anak.

Depensa ng mag-ama, sa paggamit ng droga lang sila may sala at hindi sa pagbebenta. 

Aminado rin sa paggamit ng shabu ang ibang naaresto, pero naglalaro lang umano sila ng cara y cruz nang arestuhin.

Nadiskubre rin ng Bacoor City police na nagiging daan ng prostitusyon ang bentahan ng droga.

Kasama sa nahuli ang 19 anyos na dalaga na ayon sa pulis ay ibinubugaw umano kapalit ng paggamit ng shabu. 

Sinampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. - Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.