Ilang Pinoy maagang bumiyahe paprobinsya bago ang Holy Week

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 06:02 PM

Sa huling Biyernes bago ang Semana Santa ay nagsimula nang magsiuwian ang mga pasahero paprobinsiya bago pa man ang inaasahang exodus sa Lunes.

Sa tala ng Araneta Bus Terminal, nasa 3,000 ang karaniwan nilang pasahero kada araw pero aabot pa ito nang higit 6,000 sa Holy Week.

Inaasahan ding magiging fully booked ang mga bus pagdating ng Lunes Santo.

Sa 17 bus company sa Araneta Bus Terminal, nasa higit 70 units ang bumibiyahe araw-araw, na anila'y kulang. 

Kaya naman kukuha ng special permit ang ilan para sa mga biyaheng inaasahang marami ang pasahero tulad ng pa-Bicol, Legaspi, Northern Samar, at Tacloban.

Kapansin-pansin naman ang mga nakapaskil na abiso para ipaalala sa mga pasahero ang taas-pasahe na ipinatupad noong Disyembre.

Kung dati makakapag-aircon bus na papuntang Borongan, Samar sa pamasaheng P1,500, ngayon ay mabibili na ito sa P1,770.

Paalala naman ng Araneta Bus Terminal, huwag nang magdala ng malalaking bagahe para hindi na ma-delay. 

Bawal din daw ang mga matutulis na bagay at flammable objects, ganoon din ang mga alagang hayop.

—Ulat ni Zen Hernandez at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.