2 magsu-surrogate mother sa China naharang sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2019 05:48 PM | Updated as of Apr 12 2019 06:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Dalawang Pinay na gagawin sanang mga surrogate mothers sa China ang hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Huwebes. 

Ayon kay BI Port Operations Division chief Grifton Medina, patungo sanang Hong Kong ang mga biktima nang pigilan ng mga miyembro ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) sa Immigration departure area ng NAIA terminal 3.

Ayon sa BI, umamin ang mga Pinay na sina alyas "Ria," 32, at alyas "Ellie," 28, na nakipagkasundo sila sa recruiter na maging mga surrogate mothers dahil na rin sa kahirapan.

"They immediately confessed during interview that they were actually bound for China where their services as surrogate mothers were engaged for a fee of P300,000," sabi ni Medina.

Dating overseas Filipino workers (OFW) ang dalawang biktima. 

Sinabi ng mga biktima na ipoproseso sana ang kanilang visa patungong China pagdating nila sa Hong Kong.

Nasa kustodiya na ngayon ng Inter-Agency Council Against Trafficking ang mga biktimang Pinay para sa imbestigasyon at kaukulang tulong ng gobyerno. —Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.