Tindahan ng lechon, ipinasara ng BIR

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 09:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinasara ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong Huwebes ang isang malaking tindahan ng lechon sa Quezon City dahil sa hindi tamang pagbabayad ng buwis.

Tatlong porsiyento lang umano ang binayaran na value-added tax (VAT) ng Elarz mula sa kinita nilang P15 milyon noong 2016 sa halip na 12 porsiyento.

Ayon sa BIR, ilang beses nang pinagsabihan ang Elarz.

"They were saying that the corporation, the business is already closed," ani BIR director II for NCR Marina De Guzman. 

"Nagte-take pa rin sila ng mga order. As a matter of fact, may mga big-time businesses na may order [sa Elarz] ngayon," sabi ni De Guzman.

Depensa naman ng may-ari ng negosyo ay bagong kompanya na ang pinatatakbo nila at hindi ang dating may problema sa BIR.

"Our previous company, we had a problem with our employees, nanakawan po kami which caused the previous company to close," ani Elarz spokesperson Manric Zalameo.

"Siyempre hindi tayo puwede magtigil ng negosyo. Our new company is compliant with BIR," dagdag ni Zalameo.

Pinapatawan ng 12 porsiyentong VAT ang isang negosyo kapag kumita ito ng annual gross income na P1,919,500 o higit pa.

Samantala, nagpaalala rin ang BIR hinggil sa paghahain ng income tax returns.

Sa Abril 16 ang itinakdang deadline, na naurong mula sa orihinal na deadline na Abril 15, na pumatak ng Linggo.

"Do not wait for April 16 and those availing the e-filing. Baka sabihin nila pag nagkasabay-sabay nag-bog down ang system," sabi ni De Guzman.

Dagdag pa ng BIR, hindi na sila magbibigay ng palugit.

Ayon sa BIR, mas malaki ng 16.81 porsiyento ang nakolekta nitong Marso kumpara sa parehong mga araw noong 2017. 

Nagbabala rin ang BIR na ang hindi aabot sa deadline ay may penalty na 25 porsiyentong surcharge at P1,000 kada return.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.