Surge rate ng Grab, pinabababaan ng LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 12:14 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Iniutos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibaba ng Grab ang dagdag-singil or surge rates nito sa mga pasahero.

Mula sa dating "times two" o doble ng pasahe, iniatas ng LTFRB sa Grab na gawing "times 1.5" o isa't kalahati lang ang surge rates nito.

"While the LTFRB is processing the new TNC [transportation network company] players, this is to ensure that the fares will be at a rate that is conducive," ani LTFRB board member Aileen Lizada.

Halimbawa, kung ang base fare o ang panimulang pasahe ay P50, imbes na P100, ay magiging P75 na lang ang pinakamataas na surge rate.

Nagkakaroon ng surge pricing tuwing rush hour at sa mga lugar na kakaunti ang mga driver pero marami ang naghahanap ng transport network vehicle services (TNVS) na masasakyan.

Pero ang tingin ng ilang rider ng TNVS, nagsimulang tumaas ang pasahe ng Grab nang ianunsiyo ang pagsasanib ng Grab at Uber. 

Bukod din sa dobleng surge rate, inireklamo ng ilang Grab riders ang naranasan nilang pangongontrata o kaya'y pagkansela bigla ng biyahe ng ilang TNVS driver. 

May iba pang tinawag itong monopolyo dahil sa ngayo'y wala pang ibang akreditadong TNC bukod sa Grab.

Kung ginhawa sa pasahero ang dulot ng mas mababang surge rate, dagok naman ito kung ituring ng TNVS drivers. 

"Malungkot 'yon kasi siyempre, magbabawas na naman ng kita sa'min especially sa rush hour," ani Winston Esteras, presidente ng Coalition for TNVS providers.

Pero wala naman daw silang magagawa kundi ang sumunod sa LTFRB.

Tuloy pa rin ang petisyon ng Grab na itaas ang pasahe nila.

Ipinaliwanag din ng Grab na posibleng mataas ang pasahe nitong nakaraang mga araw dahil sa dami ng mga nangangailangan ng sakay pero kulang ang mga driver na available. 

Nauna nang iginiit ng Grab na hindi nila itinaas ang kanilang pasahe.

Pinuputol na rin ng LTFRB ang prangkisa ng Uber sa Pilipinas simula Abril 16 dahil wala na raw silang tauhan dito.

Ito ay sa kabila ng kautusan ng Philippine Competition Commission na ituloy ang operasyon ng Uber habang pinag-aaaralan ang pagbili ng Grab sa Uber.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.