Election period simula na sa Abril 14; gun ban, checkpoint simula na rin

ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 11:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magsisimula na sa Sabado, Abril 14, ang election period para sa halalan sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK). 

Kasabay ng inaasahang paghahain ng certificate of candidacy ng libo-libong kandidato para sa halalan, magsisimula na ring maging epektibo ang gun ban sa buong bansa sa Sabado.

Lahat ng permit to carry, mission order, at iba pang permiso ay kanselado na simula sa Abril 14.

Tanging mga pulis, sundalo, at mga security personnel na may exemption at naka-duty ang maaaring magdala ng baril.

Magsisimula na rin ang mga Commission on Elections (COMELEC) checkpoint simula madaling araw ng Sabado.

Paalala lang ng COMELEC, dapat nasa maliwanag na lugar ang checkpoint na binabantayan ng mga naka-unipormeng pulis.

Dapat din daw ay malinaw at nababasa ang mga name tag ng pulis para malaman ng mga tao na lehitimo ang checkpoint.

Bawal na rin ang paggamit sa mga bodyguard, ang pagtatalaga ninuman sa pampublikong posisyon, at paggamit sa mga government property lalo na sa kampanya.

KAMPANYA

Ayon sa COMELEC, bawat kandidato ay maaari lamang gumastos ng P5 kada botante sa lugar kung saan siya kumakandidato.

Pinaalalahanan din ng komisyon ang mga kandidato na huwag maglagay ng mga poster sa mga puno, poste ng kuryente, at sa iba pang lugar na hindi sakop ng common poster area.

Sinumang lumabag sa mga patakarang ito ay maaaring makulong at ma-disqualify ang kandidatura.

Ang mananalong mga kandidato ay dalawang taon lang maninilbihan dahil halalan ulit ng barangay sa 2020.

 ELECTION HOTSPOTS

Mahigit 6,000 barangay sa buong bansa ang sinisilip na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na posibleng mapabilang sa election hotspots, o mga lugar na may banta ng karahasan. 

Kabilang ang Barangay Maharlika sa apat na barangay sa Taguig sa areas of concern noong 2013 elections.

Ito'y dahil sa magkakaangkan na magkatunggali, pagkalat ng mga di rehistradong armas, at ulat ng vote buying sa lugar.

Pero ayon sa barangay chairman ng pinakamalaking Muslim community sa Metro Manila na si Baisittee Pangandaman, malayo na ang lagay ng lugar noon sa sitwasyon ngayon.

Aniya, mas payapa na ngayon sa kanilang barangay kaya dapat na silang alisin sa listahan.

Sa tala ng DILG sa nakaraang 2010 at 2013 elections, mahigit kalahati ang nabawas sa casualties o napatay na may kaugnayan sa halalan.

Mula sa naitalang 51 na napatay noong 2010, bumaba ito sa 14 nitong 2013 barangay at SK elections.

Tingin ng DILG, makakatulong pa ang umiiral na martial law sa Mindanao at nagpapatuloy na CPP-NDF peace talks sa lalong pagbaba ng mga insidente ng gulo ngayong halalan.

Ayon sa National Capital Region Police Office, inisyal na kabilang sa 53 hotspots sa NCR ang ilang barangay sa Caloocan, Navotas, Muntinlupa, Pasay, Pasig, at Taguig.

-- Ulat nina Ron Gagalac, Angel Movido, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.