3 patay, 4 sugatan sa salpukan ng tricycle at SUV sa Bacolod

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Apr 12 2018 06:16 AM

Martian Muyco, ABS-CBN News

BACOLOD CITY, Negros Occidental - Patay ang 3 miyembro ng pamilya habang sugatan naman ang 4 na iba pa sa salpukan ng tricycle at SUV nitong siyudad Huwebes ng madaling-araw.

Kinilala ang mga nasawi na sina Erlinda Villar, anak na si Melinda Tesoro, at kamag-anak na si Rodelyn Nacis.

Sugatan naman sina Elvis Villar, Geralyn Villar, Merlinda Barcenas, at isang 16-anyos na dalagita.

Galing ang 7 miyembro ng pamilya sa ospital kung saan namatay ang mister ni Erlinda nang mangyari ang aksidente.

Ayon kay SPO2 Jun Garong, traffic investigator ng Police Station 4, papunta ang mga biktima sa bayan ng Murcia sakay ng tricycle ni minamaneho ni Elvis.

Habang binabaybay nila ang Barangay Villamonte, binangga umano ito ng isang SUV bago mag-ala 1 ng madaling-araw.

Tumilapon ang mga biktima habang nasira ang harapan ng sasakyan sa salpukan.

Dagdag ni Garong, matulin umano ang takbo ng SUV at napunta sa kabilang linya. Hinihinalang nakainom ang drayber nito.

Hindi na rin nagbigay ng komento ang drayber ng SUV nang kunan ng pahayag ukol sa nangyari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.