Frontliner na nag-collapse sa kalsada, nakakuha ng ambulansiya pagkatapos ng 5 oras

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2020 09:08 PM | Updated as of Apr 12 2020 11:38 AM

MAYNILA--Isang babaeng medical frontliner ang nasaklolohan lamang pagkatapos ng 5 oras, matapos siyang mag-collapse sa isang kalsada sa Maynila nitong Sabado.

Ayon kay Ramonito Devina, isang kagawad, magtatanghali nang biglang matumba ang frontliner sa kalsada malapit lamang sa barangay hall sa Barangay 507.

Agad nilang itinawag ang insidente sa Manila health department na pinayuhan silang i-report ang pangyayari sa Manila emergency operation hotline, ngunit wala umanong available na ambulansiya.

Dalawang beses din silang nagtungo sa ospital kung saan umano nagtatrabaho ang pasyente ngunit hindi rin ito narespondehan.

Mag-aalas-5 na ng hapon nang may dumating na ambulansiya na mula pa sa lalawigan ng Rizal. Pinakiusapan lamang umano ito ng anak ng pasyente na nagsabing dalawang araw nang may lagnat ang frontliner.

May malay at nakakausap naman na ang pasyente nang isakay sa ambulansiya.

Ayon kay Devina, hindi nila iniwanan ang pasyente mula nang madatnan ito sa bangketa. Hindi lamang din nila ito magalaw dahil wala umano silang gamit tulad ng personal protective equipment.--Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.