Cagayan, nais maideklarang cultural property of the Philippines ang Callao Cave

Darlene Gemino Ballad, ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2019 08:32 PM

PE√ĎABLANCA, Cagayan—Hinihiling ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan na maideklara bilang "cultural property of the Philippines," o mahalagang yamang pangkalinangan, ang Callao Cave kasunod ng pagkakadiskubre ng mga buto ng bagong human species dito.

Sa kuwebang ito natagpuan ng grupo ni archaeologist Armand Mijares ang ilang mga buto at ngipin ng isa sa mga sinaunang tao sa mundo na tinatawag na Homo luzonensis.

Ayon kay Cagayan Museum officer-in-charge Jennifer Junio, posibleng mabago nito ang kasaysayan ng human evolution.

Hihilingin ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan sa National Museum na ideklara bilang Cultural Property of the Philippines.

Magsasagawa rin ng public declaration ang lalawigan sa susunod na buwan kasabay ng Heritage Month.

"Lahat ay gagawin ng probinsiya para ma-promote at maproteksyunan ang Callao Cave at susuportahan namin lahat ng researches," ani Junio.

Noong 2007, may nahukay rin umanong buto ng sinaunang tao ang grupo rin ni Mijares.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.