Babae 'binugbog, minolestiya' ng 19 anyos na pipi sa Iloilo

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2019 10:42 AM | Updated as of Apr 11 2019 10:55 AM

ILOILO - Arestado ang isang 19 anyos na pipi matapos umanong molestiyahin at bugbugin ang isang babaeng natutulog sa boarding house sa probinsiyang ito. 

Punong-puno pa rin ng pasa ang mukha at ulo ng student-teacher na si alyas April nang balikan ang panghahalay umano sa kaniya noong Abril 3, 2019 sa sarili niyang boarding house. 

Ayon kay April, pumasok ang suspek sa kaniyang kuwarto habang siya ay natutulog at nagising na lang sa paggawa umano ng suspek ng kahalayan sa harap niya. 

Sinubukan pa umano bugbugin ng suspek at iuntog ang biktimang humihingi na noon ng saklolo. 

Nang dumating ang kaibigan ng biktima para tumulong, tumakas ang suspek sa bintana. 

Kinalauna'y inaresto ang suspek, na natuklasang anak ng kumakandidato sa Sangguiang Bayan sa probinsiya. 

Kinasuhan na ng serious physical injury, unjust vexation, at trespass to dwelling ang suspek pero nakapagpiyansa ito. 

Pero iginiit ng mga kaanak ng biktima na attempted rape at murder dapat ang kasong inihain ng pulis sa suspek. 

Isinusulong naman ng Police Regional Office 6 ang pag-aaral ng kaso laban sa suspek. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.