ALAMIN: Bakit di dapat balewalain ang 'heat index'

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2019 07:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi lang temperatura ang dapat mino-monitor ng publiko dahil kailangan ding alam ng mga Pinoy ang tinatawag na heat index, ayon sa state weather bureau na PAGASA.

Ang heat index ang nararamdaman ng tao na init dahil sa pinaghalong temperatura at sa humidity o halumigmig, o kung gaano kabasa ang hangin.

Umabot sa 36.7 degrees Celsius ang temperatura sa Dagupan City noong Martes, pero dahil sa humidity ay umakyat pa sa 51.7 degree Celsius ang heat index o ang naramdamang init ng tao.

Ayon sa University of the Philippines professor at meteorologist na si Gerry Bagtasa, ang pagsukat ng heat index ay nakukuha mula sa pag-aaral ng mga tela ng damit at kung paano pagpawisan ang tao.

"Ang nangyayari kasi sa atin, dahil sa napakataas na humidity ng hangin, mahirap matuyo ang pawis kaya ang nangyayari hindi gaano natutuyo, mas mainit ang pakiramdam natin kaya itong heat index na ito ay pinagsama 'yun," sabi niya. 

Kaya kahit di gaanong mataas ang temperatura, posibleng mas matindi ang ramdam ng tao sa init dahil sa humidity.

"Ang problema dito sa Pilipinas, madaming karagatan, mainit dito, maraming nag-e-evaporate na tubig, masyadong humid. Mahirap magpatuyo ng pawis so ang nangyayari, mas feeling natin mainit," dagdag ng propesor. 

COLOR CODING 

May color-coded na babala rin ang PAGASA ukol sa heat index.

Green o caution kapag nasa 27-32 degree Celsius ang heat index kung saan puwedeng maging pata ang katawan sa pagod kung bumabad sa init. 

Yellow o extreme caution naman kapag nasa 32-41 degrees Celsius ang heat index kung saan puwedeng makaramdam ng heat cramps o heat exhaustion kapag babad sa init.

Orange o danger naman kapag nasa 41-54 degrees Celsius ang heat index kung saan mas posible ang heat cramps at heat exhaustion at mas posibleng ma-heat stroke kung tuloy tuloy ang aktibidad habang babad sa init.

Red o extreme danger naman kapag mas mataas na sa 54 degrees Celsius ang heat index kung saan asahan na ang heat stroke.

Payo ng PAGASA para sa mga nagtatrabaho sa labas, tiyakin na hydrated o sapat ang tubig sa katawan at sumilong kapag break.

Kapag nasa loob ng bahay ay i-check din parati ang mga matatanda at may sakit na walang aircon. 

Wag din iiwan ang mga bata at alagang hayop sa mga kotse nang walang bantay at bawasan ang outdoor activities kapag tanghali hanggang hapon.

"Di mo naman mapigilan na lumabas but as much as possible 'wag du'n sa peak hours ng init, or magdala ka ng payong or wag mag-stay nang matagal sa araw lalo na kapag may high blood na, may hypertension kasi more vulnerable sila sa heat stroke," ani Thelma Acebes-Cinco, hepe ng PAGASA Impact Assessment and Application Section.

Paalala naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employer, i-adjust ang mga working schedule ng kanilang mga empleyado na nagtatrabaho sa labas na posibleng maapektuhan ng mainit na panahon.

—Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.