Bata patay, 3 kapatid sugatan sa sunog sa Lapu-Lapu City

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 08:05 AM | Updated as of Jan 27 2019 07:38 PM

Patay ang isang 3-anyos na batang babae habang sugatan naman ang 3 niyang kapatid matapos masunog ang kanilang bahay sa Lapu-Lapu City Martes ng gabi.

Nagtamo ng galos sa kanilang mga katawan ang magkakapatid na 6-anyos, 7-anyos, at 12-anyos.

Kuwento ng nakakatandang kapatid, natutulog sila sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa Barangay Marigondon nang mangyari ang sunog.

Aniya, siya na mismo ang sumagip sa kaniyang mga nakababatang kapatid.

Pinababa niya ang mga ito sa ilalim ng bahay pero hindi na niya nagawang sagipin ang bunsong kapatid dahil lumaki na ang apoy.

Nang mangyari ang sunog, wala ang kanilang ama na nagtatrabaho bilang construction worker.

Nandoon sa bahay ang lola ng mga bata pero nasa baba ito natutulog.

Batay sa Bureau of Fire Protection-Lapu-Lapu City, sumiklab ang sunog alas-9 ng gabi.

Hindi pa matiyak ng mga bombero ang sanhi ng sunog.

Ayon sa pamilya, walang nakasaksak na appliances, naiwang gasera o nakasinding kandila sa taas. Solar energy ang gamit ng pamilya. - ulat ni Donna Lavares, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.