Barangay officials na dawit o di nagpasa ng 'narco-list,' parurusahan

ABS-CBN News

Posted at Apr 11 2018 11:17 PM | Updated as of Apr 14 2018 11:00 PM

Parurusahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga pinuno ng mga barangay na hindi pa nakapagpapasa ng "drugs watch list."

"Definitely suspension ang aabutin doon sa hindi nag-submit, pasensiyahan kami," sabi nitong Miyerkoles ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño.

Noong Marso 15 pa ang itinakdang deadline ng DILG sa pagsumite ng lahat ng mga barangay sa bansa ng kani-kanilang mga listahan ng mga personalidad na umano'y sangkot sa droga. 
 
Pero 20 porsiyento o 8,798 barangay lang ang nagpasa mula sa 42,036 barangay sa buong bansa.

Sa National Capital Region, nasa 1,345 mula sa 1,706 barangay ang nagpasa ng watchlist. 

Wala pa ring natatanggap ang DILG na kahit isang ulat o listahan mula sa mga rehiyon ng Cagayan Valley, Bicol, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at Davao Region.

Hindi naman nilinaw ng DILG kung magbibigay sila ng palugit sa deadline para sa drugs watch list ng mga barangay.

Ayon pa sa DILG, balak din nilang sampahan ng kaso ang mga opisyal ng barangay na kabilang sa "drugs watch list" ng gobyerno at nabigo sa pagsasaayos ng kanilang Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).

“Magsisimula nang magsampa ng kaso for those who are in the drug watch list and who have failed to organize and execute the plans of the BADAC,” sabi ni DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya.

Nasa 17,000 opisyal ng mga barangay sa Pilipinas ang hinihinalang may kaugnayan sa ilegal na droga, ayon sa Philippine National Police.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na 40 porsiyento mula sa lahat ng barangay captain sa bansa ay may kinalaman sa kalakaran ng ilegal na droga.

Binuo ang narco-list mula sa pinaghalong ulat ng mga mamamayan at impormasyon mula sa mga opisyal ng barangay, ayon sa ulat ng Reuters.

Hindi naman sinabi ng mga opisyal ng DILG kung kailan sila maghahain ng mga kaso.

Ito ay sa gitna ng mga paghahanda para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakda sa Mayo 14.

DRUG TEST

Samantala, ayon naman sa Commission on Elections (Comelec), bagaman hindi rekisito para sa darating na halalan ang pagsailalim ng mga opisyal ng barangay sa drug test, malaking puntos daw ito.

"Voluntary versions enjoy the full support of Comelec. That will go a long way in improving the quality of elections," sabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez.

Bukod sa ilegal na droga, binabantayan din ng DILG at Comelec ang mga opisyal ng barangay na nakatatlong termino na.

Sa ilalim kasi ng batas ay hindi na sila maaaring tumakbo sa parehong posisyon.

Sa higit 42,000 barangay sa Pilipinas, 8,927 ang may kapitang naninilbihan sa ilalim ng kanilang ikatlong termino habang 294,000 naman sa mga kagawad.

Tiniyak naman ng DILG na hindi na mauurong ang petsa ng halalan maliban sa Marawi, kung saan suspendido ang halalan dahil hiwa-hiwalay ngayon ang mga residente matapos ang limang buwang giyera.

Mananatili muna sa puwesto ang mga opisyal ng mga barangay sa Marawi.

Magsisimula ang filing ng certificate of candidacy sa Sabado, Abril 14, hanggang Abril 20. Sa Mayo 4 hanggang Mayo 12 naman ang panahon ng pangangampanya.

-- Ulat nina Angel Movido at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.