Unang COVID-19 patient ng Bicol region ibinahagi ang kaniyang karanasan

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2020 02:46 PM

Ang Amerikanong si Richard Tauscher ang pinakaunang nagpositibo sa COVID-19 sa Bicol Region.


LAGAZPI CITY, Albay — Humingi ng paumanhin ang isang banyaga na siyang unang naitalang positibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Bicol Region, at mitsa ng isinagawang lockdown sa natutang lugar.

Ang Amerikanong si Richard Tauscher ang pinakaunang nagpositibo sa COVID-19 sa Bicol Region. Galing siya ng Los Angeles, California at magbabakasyon lang sana sa Legazpi City.

Kuwento niya, Marso 4 ang flight niya mula Los Angeles papuntang Maynila. Marso 7 naman nang dumating siya ng Legazpi City at noon ay may nararamdaman na daw siyang sintomas.

Ang mali nya raw, hindi siya pumayag nang sabihan siyang iko-confine. Aminado si Tauscher na nagalit siya at ayaw magpa-admit ng ospital dahil natakot siyang baka mahawaan siya ng sakit doon.

Marso 17 nang bumalik siya sa ospital para magpa-swab test pero pinauwi din naman dahil hindi na nakitaan ng sintomas ng sakit. 

Isa pa raw pagkakamali ni Tauscher ay hindi siya nakapagsabing lilipat siya ng tinutuluyan kaya nang lumabas na positibo siya ay hindi na siya mahagilap, at doon nagkaroon ng pangamba sa paligid.

Dahil sa nangyari, ilang araw ding ipinasailalim sa lockdown ang 3 barangay sa Legazpi City.

"I think that's what sparked everything off. Why everybody went crazy. So again, that's why I'm doing this interview to apologize for my mistake," paliwanag niya.

Sa ngayon ay negatibo na sa COVID-19 si Tauscher at nakauwi na sa kaniyang apartment kasama ang fiance, na nagnegatibo naman sa sakit.

Handa umano siyang mag-volunteer work sa lungsod pagkatapos ng kaniyang quarantine period.

"I would like to apologize to everybody for the lockdowns and for the things that I have caused... I wanted to come here to help clean up, to volunteer, or do something to help my community," anang banyaga. 

Isa ring SARS survivor si Tauscher.

ulat ni Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.