Mga Kristiyano ginunita ang '7 last words' online

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2020 06:00 PM


MAYNILA — Tuloy ang paggunita ng mga Kristiyano ng Semana Santa sa kabila ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa Luzon kontra pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa pamamagitan ng social media, sabay-sabay ang mga pamilyang nakinig sa tradisyong "seven last words" o pag-alala sa mga huling salitang sinambit ni Hesukristo bago siya ipako sa krus. 

Ang pamilya Angeles mula sa Taytay, Rizal, nakasubaybay mula sa
kantahan ng papuri sa Diyos bago dumiretso sa banal na salita. 

Ayon kay Vivian Angeles, pianista ng Taytay United Methodist Church, ngayong Semana Santa ay nasa bahay man silang mag-anak ay ginagampanan pa rin nila ang tungkulin nila bilang mga Kristiyano. 

Mga anak niya ang nangunguna sa online praise and worship ng kanilang simbahan at sama-sama silang nakikinig sa salita ng Diyos.

"Kahit na nasa loob kami ng mga bahay, tinutuloy pa rin namin," sabi ni Angeles.

Si Amie Natividad naman, may Holy Week "video meeting" tuwing ala-1 ng hapon kasama ang mga kamag-anak mula sa iba't ibang bahagi ng mundo. 

Pinagninilayan nila ang salita ng Diyos bago tapusin sa panalangin ang bawat meeting. Mahalaga aniya ito para mabuklod ang kanilang pamilya sa panahon ngayon. 

"Tuwing 1:00 p.m dito sa Pilipinas tapos 10:00 p.m. naman sa US. Natutuwa ang mother ko kasi 84 years old na siya. Gusto niya gawin daw namin madalas ito," sabi ni Natividad.

Ayon kay Hiram Pangilinan, senior pastor ng Born Again church na Church So Blessed, ang mensahe ng Biyernes Santo ay di lamang kuwento ng mga sakripisyo na pinagdaanan ni Hesus.

"Narinig ninyo ang word 1 hanggang 7, it all happened because of Jesus' love for us... Wag natin sayangin, hindi lang ito isang kuwento na naririnig noon pa. Nandiyan si Jesus kumakatok sa puso natin," ani Pangilinan.

—Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.