52 quarantine violators sa Valenzuela binigyan ng COVID-19 awareness lecture

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2020 04:45 PM

MAYNILA — Isinailalim sa isang COVID-19 "awareness lecture" ang 52 taong lumabag sa "stay-at-home" ordinance na ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela City sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon. 

Ayon sa Valenzuela City LGU, nahuli ang mga lumabag alas-8 ng gabi Huwebes at nanatili para sa lecture hanggang alas-5 ng umaga nitong Biyernes.

Isinagawa ang lecture sa St. Jude Basketball Court, Malinta.

Batay sa ordinansa, may multang tig-P5,000 ang mga lalabag dito.

Sa ilalim ng "stay-at-home" ordinance ng lungsod, pinaiiwas munang lumabas ng bahay ang mga residente mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga habang umiiral ang lockdown kontra pagkalat ng COVID-19. 

Exempted sa nasabing ordinansa ang frontliners, authorized government personnel, at mga may essential duty sa labas ng bahay. 

— Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.