'Illegal recruiter' na nag-aalok ng trabaho sa Korea arestado

ABS-CBN News

Posted at Apr 10 2019 04:35 PM

Naaresto nitong Miyerkoles sa lungsod ng Biñan, Laguna ang isang babaeng ilegal umanong nag-aalok ng mga trabaho sa Korea, ayon sa pulisya. 

Dinampot ng mga tauhan ng Biñan police ang suspek na si Nancy Martinez mula sa kaniyang bahay sa Barangay Zapote. 

Pinangakuan umano ng suspek ang ilang mga taga-Taal, Batangas na makapagtatrabaho ang mga ito sa isang farm sa Jeju Island, South Korea kapalit ng malaking halaga ng pera.

Natuklasan ng mga awtoridad na patong-patong ang mga warrant of arrest laban sa suspek sa Quezon City, Muntinlupa, Pasig, Isabela province, at iba pang lugar sa Laguna dahil sa illegal recruitment at estafa, ani Police Lt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng Biñan police.

Inihahanda na ang panibagong kaso sa suspek na illegal recruitment, syndicated estafa, at human trafficking.

Malaking halaga ang hinihingi ni Martinez sa mga biktima para sa visa at immigration, ayon sa mga biktima.

Ayon sa isa sa mga biktima na si Geraldine Atienza, umabot sa P210,000 ang naibigay kay Martinez sa pag-aakalang makakapag-abroad ang kaniyang manugang.

Higit P100,000 naman ang ibinayad ni Armando Monje na inutang niya sa kaniyang kuya pero hindi naman siya nakaalis ng bansa.

Ayon sa mga biktima, sinabi sa kanila ng suspek na may sasalo sa kanila sa Korea kaya mabilis silang napaniwala.

Ang ibang biktima ay nahaharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) habang ang iba ay hanggang immigration sa paliparan sa Korea dahil sa kakulangan ng sapat na papeles.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.